Positibo si House Committee on Agriculture and Food Chair Mark Enverga na sapat na ang nakalap nilang datos at impormasyon sa siyam na pagdinig na ikinasa tungkol sa posibleng price at supply manipulation ng sibuyas.
Aniya sa susunod na linggo ay pagpupulungan ng komite kung kanila nang isasara ang investigation in aid of legislation at kung ano ang kanilang magiging rekomendasyon.
Isa na nga aniya dito ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang personalidad.
“Well we will have to review all details ano, that were discussed through the hearings to reassess if there will be cases filed. But so far, could be, there’s a high probability that there would be personalities to be charged in the committee report,” ani Enverga.
Aminado naman si Enverga na ilang lehislasyon ang kailangang ikasa upang hindi na maulit pa ang pagsipa ng presyo ng sibuyas o anomang agricultural product.
Sa kasalukuyan aniya ay mayroon nang panukala sa kamara na ituring na economic sabotage at patawan ng mas mabigat na parusa ang anomang uri ng hoarding, profiteering at price manipulation.
Posible aniya na ipasok nila ito sa hiwalay na panukala para amyendahan ang Anti-Agricultural Smuggling Act.
Dapat na rin aniya niyang repasuhin ang Price Act upang mapa-igiting ang monitoring at magkaroon ng mas malinaw na mechanism pagdating sa ipinapataw na presyo sa mga bilihin. | ulat ni Kathleen Jean Forbes