Tinukoy na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga municipal waters na magiging alternatibong fishing sites para sa mga LGUs na apektado ng oil spill sa Mindoro.
Ayon sa DILG, maglalabas ito ng isang joint memorandum circular katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa sharing ng fishing grounds sa mga LGUs.
Cluster approach ang ipatutupad para masigurong magpapatuloy pa rin ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Oriental Mindoro.
Kabilang sa mga natukoy na alternatibong fishing grounds ang municipal waters ng Paluan at Abra De Ilog sa Occidental Mindoro, pati ang Tayabas Bay at Mindoro Strait kung saan maaaring mangisda ang mga apektado mula sa munisipalidad ng San Teodoro at Baco.
Ang mga mangingisda naman sa Calapan City, Naujan, at Pola ay maaring pumalaot sa karagatan ng Boac, Gasan sa Marinduque, at Tayabas Bay.
Kasama rin dito ang mga apektado sa Pinamalayan, Gloria, at Bansud na papayagang mangisda sa municipal waters ng Concepcion sa Romblon at bahagi ng Mindoro Strait.
Habang ang oil spill affected fisherfolks sa Bongabong, Roxas, Mansalay, at Bulalacao ay maaaring mangisda sa Tablas Strait at municipal waters ng San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro.
Mananatili ang fishing ground sharing hanggat may mga contaminants pang natutukoy sa mga karagatan ng Oriental Mindoro.
Samantala, bukod sa pagtukoy sa alternative fishing grounds, ay plano rin ng DILG na repasuhin ang polisiya nito sa pangangasiwa sa municipal waters. | ulat ni Merry Ann Bastasa