Pinatitiyak ni Senador Chiz Escudero na magiging pulido at maayos ang pagkakagawa ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Sinabi kasi ng senador, na hindi imposibleng may mag akyat sa Korte Suprema ng panukalang ito.
Kaya naman dapat aniyang bigyan ng armas ang Solicitor General para maipagpatanggol ang MIF sa Kataas-taasang Hukuman.
Para kay escudero, sa ngayon ay marami pang kulang at kailangang liwanagin sa MIF.
Kabilang na dito ang kung bakit walang termino ang buhay ng Maharlika Investment Corporation (MIC), at tinalo pa aniya nito ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may termino ang kanilang existence.
Maliban dito, una nang hinanap ng senador ang test of economic viability ng MIF.
Ipinaliwanag ng mambabatas na sa ilalim ng konstitusyon, ang isang bagong Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) na bubuuin ay dapat na pumasa sa test of economic viability.
Pero sa halip, business proposal ang isinumite ng economic team ng adminstrasyon sa senador. | ulat ni Nimfa Asuncion