Kasabay ng pagdiriwang ng araw ng paggawa, pinanawagan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na bilisan na ang mga pag-aaral ng mga panukalang dagdag sweldo sa mga manggagawang pilipino.
Ayon kay Villanueva, mahalagang mapag-aralan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang magiging tamang pamantayan para matukoy ang resonableng living wage para sa mga manggagawa sa bansa.
Isinusulong ding muli ng senador na matuldukan na ang kalakaran ng ENDO (end of contract), sa pribadong sektor man o sa gobyerno.
Itinutulak rin ng mambabatas ang Trabaho Para sa Bayan Bill na layong bumuo ng komprehensibong plano para sa labor and employment na may kaakibat na pagsuporta sa maliliit na negosyo.
Dapat rin aniyang mamayani ang polisiya na base sa malayang kagustuhan ang pagtratrabaho sa ibang bansa at hindi kapit-sa-patalim.
Binigyang diin ni Villanueva na dapat tumbasan ng kagyat na aksyon ang mga pangangailangan ng mga manggagawa bilang sukli sa kanilang sakripisyo at kontribusyon sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion