Plano ni Senador Robin Padilla na maghain ng isang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa para sa mga magsisinungaling sa mga pagdinig ng kongreso.
Ginawa ito ng senador kasunod ng mga pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kung saan ilang mga pulis ang pina-contempt ng senate panel dahil sa hindi pagsasabi ng katotohanan.
Ayon kay Padilla, hindi siya kuntento sa kasalukuyang batas tungkol sa perjury o pagsisinungaling under oath, gaya ng ginagawa ng ilang mga pulis sa pagdinig ng kumite ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Sa ilalim kasi ng bagong perjury law, o ang Republic Act 11954 na naipasa noong 18th congress, ang parusa na sa pagsisinungaling sa anumang maling testimonya ay may parusang anim hanggang sampung taong pagkakakulong.
Ang mga opisyal naman ng gobyerno na makakasuhan nito ay pagmumultahin ng isang milyong piso at otomatikong diskwalipikasyon sa anumang posisyon sa pamahalaan.
Para kay Padilla, dapat ay mas mabigat pa dito ang parusa, lalo na sa mga kawani ng law enforcement agencies.
Kabilang sa mga pinapanukala ng senador, na kapag ang isang tagapagpatupad ng batas ay napatunayang nagsinungaling ay dapat agad itong matanggal sa serbisyo at singilin ng kung magkanong ginastos sa kanila ng taumbayan.
Hindi lang rin aniya criminal case kundi dapat patawan rin ito ng civil case.
Nais rin ng mambabatas na ang mga pinapa-contempt ng senado ay sa city jail na ikulong sa halip na sa loob mismo ng senado kung saan naka-aircon at mas kumportable pa ang kanilang kalagayan.
“Hindi lang contempt…kailangan magkaroon ng parusang matindi sa mga law enforcement na involved sa drugs, involved sa murder, involved sa smuggling na magsisinungaling sa mga pagdinig dito sa senado…dapat may pagkakakulong. Pangalawa, kapag siya ay napatunayan na nagsinungaling sa amin. Tatanggalan sa serbisyo at sisingilin ng kung magkano ang gastos ng taumbayan sa kanya kailangang bayaran niya. Hindi lang criminal case kailangan may civil case rin yun…” – Sen. Robin Padilla | ulat ni Nimfa Asuncion