Nasabat ng pinagsanib na pwersa ng AFP at PNP ang sampung M-16 rifle at 21 ibat-ibang parte ng baril sa Army Checkpoint sa Grebona Patrol Base ng Libungan, Cotabato ngayong umaga.
Ayon kay Lieutenant Colonel Rey Rico, Commanding Officer ng 34th Infantry (Reliable) Battalion, narekober ang mga armas mula sa isang suspek na nakasakay sa isang silver na Toyota Vios.
Naharang ang suspek sa checkpoint sa kahabaan ng Bukidnon-Alamada-Libungan Highway, habang patungo ng Cotabato City mula sa Maynila na dumaan sa Surigao City.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Brigadier General Donald Gumiran, Commander ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade, na ang naarestong suspek ay courier ng isang gun running group na nagbebenta ng mga iligal na baril sa mga Private Armed Groups at iba pang armadong grupo sa mga probinsya ng Cotabato, Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte.
Tinitiyak naman ni Major General Alex Rillera, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central na lahat ng AFP units ay lalo pang magsusumikap sa pagtataguyod ng kampanya ng pamahalaan laban sa paglaganap ng loose firearms na siyang pangunahing dahilan ng karahasan. | ulat ni Leo Sarne
:6th Infantry Kampilan Division