Ipinag-utos ni Department of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual ang pagpapatatag sa suplay at presyo ng iba’t ibang pangunahing bilihin.
Ito’y kasunod na rin ng nararanasang epekto ng bagyong Betty partikular na sa hilagang bahagi ng bansa tulad ng Ilocos at Cagayan Valley regions.
Ayon sa kalihim, tuloy-tuloy at mahigpit ang kanilang ugnayan sa mga Regional at Provincial Office upang masigurong may sapat at abot-kayang bilihin ang mga lugar na apektado ng bagyo.
Kasunod nito, sinabi rin ni Pascual na mahigpit din nilang ipatutupad ang Fair Trade Law at tututukan ang mga nagnanais magsamantala sa sitwasyon.
Batay aniya sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga manufacturer, may sapat na suplay ng pangunahing bilihin tulad ng sabon, asin, canned goods, instant noodles, gatas, kape, tinapay at iba pa na tatagal ng dalawa hanggang apat na linggo. | ulat ni Jaymark Dagala
: DTI