Nais ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magkaroon ng matibay na probisyong maggagarantiya na hindi magagalaw o makokompromiso ang pensyon funds sa ipinapanukalang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ipinunto kasi ni Pimentel, na sa kasaluluyang bersyon ng MIF bill na tinatalakay sa Senado, may probisyon tungkol sa pagpapahintulot sa GSIS at SSS na mag-invest sa Maharlika fund basta’t papayagan ito ng kanilang board.
Partikular aniyang nakalagay ang voluntary investment sa section 12 ng Senate bill 2020.
Ayon sa minority leader, ang ganitong probisyon sa MIF bill ay seryosong banta sa kaligtasan at seguridad ng pension system ng bansa.
Kaya naman dapat aniyang maglagay ng matatag o ‘iron-clad’ provision na magproprotekta sa ating pensyon.
Kung wala kasi aniya ito ay magagamit pa rin sa MIF ang pension funds.
Matatandaang sa mga naunang bersyon ng MIF bill, kasama ang GSIS at SSS sa minamandatong mag-invest ng pondo sa MIF.
Pero matapos itong makatanggap ng batikos mula sa publiko at pagtutol mula mismo sa GSIS at SSS ay tinanggal ito. | ulat ni Nimfa Asuncion