Patuloy na isusulong ng pamahalaan ang mga napapanahon at proactive na mga hakbang upang protektahan ang purchasing power ng mga Pilipino bilang ito ang pangunahing prayoridad.
Ito ang inihayag ng National Economic and Development Authority o NEDA makaraang i-ulat ng Philippine Statistic Authority o PSA ang pagbagal ng inflation sa 6.6 percent nitong Abril kumpara sa 7.6 percent noong Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, kumpiyansa silang sa pamamagitan ng mga development na ito ay maipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga nakalinyang hakbang nito.
Magugunitang nito lamang nakalipas na buwan, binago ng Development Budget Coordination Committee ang 2023 inflation outlook sa 5.0 hanggang 7.0 percent mula sa dating 2.5 hanggang 4.5 percent dahil sa pagmahal ng ilang bilihin at serbisyo.
Kinikilala naman ng NEDA ang pananatili ng mga tinatawag na risk sa inflation outlook dahil sa pinangangambahang pagtaas ng pamasahe, pagsasagawa ng wage adjustment gayundin ang pagmahal ng pagkain dahil sa nakaambang El Niño Phenomenon.
Idamay na rin diyan ani Balisacan ang muling pagkalat ng African Swine Flu lalo na sa mga kanayunan. | ulat ni Jaymark Dagala