Naglatag na ng mga nararapat na hakbang ang mga magsasaka sa National Irrigation Administration para matugunan ang pangangailangan ng tubig sa panahon ng El Niño sa bansa.
Sa kanilang pakipag-dayalogo kay NIA Administrator Eddie Guillen, sinabi ni dating DAR Secretary Rafael Mariano, na isa sa mga dapat gawin ng NIA ang epektibong paggamit at pamamahala ng mga mapagkukunan ng tubig, restoration ng irrigation systems at paggawa ng climate-resilient irrigation systems at facilities.
Naniniwala ito na kayang mapababa ng mula 20 hanggang 30 porsyento ang paggamit ng tubig sa mga sakahan ng palay basta epektibo at mahusay ang pamamahala ng NIA sa tubig.
Hindi aniya kailangang alisan o bawasan ng tubig para sa irigasyon ang mga magsasaka sa Pampanga at Bulacan.
Kinakailangan na ring gawin ang malaganap na pagtatanim ng climate change resilient rice varieties na matibay sa tumitinding climate change na nakakaapekto sa agrikultura.
Mungkahi pa ng mga magsasaka, dapat maaga pa lang nakaposisyon na rin ang mga pantulong tulad ng seeds subsidies at iba pa para maaga silang makapagtanim. | ulat ni Rey Ferrer