Ikinukonsidera na rin ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na maibenta sa mga supermarket ang mga nasabat nitong smuggled na asukal.
Ayon kay SRA Acting Administrator Pablo Azcona, gaya ng plano sa mga Kadiwa store at Palengke ay ibebenta rin sa halagang ₱70 ang mga smuggled na asukal.
Aniya, may mga nakausap na itong supermarket chain na nauunawaan ang nananatiling problema sa mataas na bentahan ng asukal at nag-alok na tumulong para mas maging accessible pa sa publiko ang bentahan ng ‘Kadiwa sugar’.
Handa aniya ang malalaking supermarket chains na tumulong pagdating sa logistics at pati na sa repacking ng mga nasabat na asukal.
Sa ngayon ay wala pang pinal na petsa kung kailan magiging available sa Kadiwa Stores, mga palengke at supermarket ang murang asukal.
Samantala, patuloy namang itinutulak ng SRA ang pagtatakda ng suggested retail price sa asukal na ₱85 kada kilo.
Ito ay upang maiwasan na rin ang pananamantala sa presyuhan nito gayong wala namang problema sa suplay sa ngayon ng asukal at wala ring paggalaw sa farm-gate price nito. | ulat ni Merry Ann Bastasa