Kasalukuyan na ring naghahanda ang iba’t ibang paliparan sa hilagang Luzon sa mga posibleng epektong dulot ng paparating na bagyong Betty.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kabilang sa mga gumagawa na ng ibayong paghahanda ay ang mga paliparan sa Tuguegarao sa Cagayan; Basco at Itbayat sa Batanes, Cauayan at Palanan sa Isabela.
Ngayong araw, nag-deliver na ng 1,000 kahon ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula Cagayan patungong Basco, bilang bahagi ng pre-positioning ng mga tulong sakaling manalasa ang bagyo.
Nagsagawa na rin ng paglilinis sa mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbaha sa mga runway, at nagtabas na rin ng mga sanga ng puno na maaaring tumama sa Passenger Arrival Buildings sa mga nabanggit na Paliparan.
Puspusan din ang pakikipag-ugnayan ng CAAP sa iba pang stakeholders, upang maging synchronize ang kanilang disaster risk reduction response at naka-standby na rin ang airport personnel para umalalay sa panahon ng emergency.
Sa huli, pinayuhan ng CAAP ang publiko na manatiling updated sa pinakahuling lagay ng panahon at makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline company hinggil sa detalye ng kanilang mga biyahe sa Paliparan. | ulat ni Jaymark Dagala