Nasa kalahati pa rin ng mga pamilyang Pilipino ang ikinukunsidera ang sarili na mahirap batay yan sa unang quarter survey ng Social Weather Station.
Sa nationwide survey na isinagawa mula March 26-29, lumalabas na 51% pa rin ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing mahirap sila.
Nasa 30% naman ng respondents ang sinabing pasok sila sa borderline poor, habang nanatili sa 19% ang itinuturing ang sarili na hindi mahirap.
Batay sa naturang survey, kumakatawan sa 14 milyon ang bilang ng self-rated na mahihirap na pamilya na bahagyang mas mataas kumpara sa 12.9 million noong Disyembre ng 2022.
Makikita rin sa survey na umakyat sa 40% mula sa 32% ang self-rated poor sa Metro Manila habang tumaas rin sa 65% ang nagsabing mahirap sa Visayas Region mula sa 58%.
Kaugnay nito, bahagya namang umakyat sa 39% ang mga pamilyang itinuturing ang sarili bilang food-poor o katumbas ng 10.6 na milyong pamilya.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 indibidwal na may edad 18 pataas. | ulat ni Merry Ann Bastasa