MIF bill, hindi minamadali ng senado — Senate Majority Leader

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tiniyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi minamadali ng senado ang pagpapasa ng Maharlika Investment Fund bill.

Inaasahang ngayong linggo ay maipapasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang naturang panukala matapos itong sertipikahang urgent bill ng Malacañang.

Ayon kay Villanueva, tatlong buwan nang tinatalakay sa mataas na kapulungan ang naturang panukala at patuloy ring tinitiyak ng mga senador sa mga debate at talakayan sa plenaryo na ang “best version” ng panukala ang kanilang maaaprubahan.

Pinunto rin ng majority leader na ibang-iba na ang MIF bill na tinatalakay nila ngayon mula sa bersyon na ipinasa ng kamara.

Dahil inaasahang magiging mahaba at mabusisi pa ang talakayan tungkol sa Maharlika bill, pag-uusapan aniya ngayong araw ng mga senador kung palalawigin nila hanggang Huwebes ang kanilang sesyon o kung isususpinde lang ang bawat sesyon ngayong linggo upang magpatuloy lang ang talakayan.

Ibinahagi rin ng senador na may natanggap siyang impormasyon na ia-adopt na ng kamara ang maipapasang bersyon ng senado.

Kapag nangyari ito, hindi na magkakaroon ng bicameral conference committee meeting at maratipikahan agad ang panukalang maipapasa ng mataas na kapulungan.

Samantala, nirerespeto naman ni Villanueva ang pananaw ni Senate Minority Leader Koko Pimentel at ng oposisyon tungkol sa MIF bill.

“There is already a statement from the house that they will be adopting our version. So we are hoping for that para ma-expidite, mapabilis itong proseso… it’s been around for 3 months, hindi siguro masasabing minadali dahil hanggang ngayon nakikipagdebate po kami… I don’t know about Senator (Koko) Pimentel. He’s the Minority Leader, he’s our chief fiscalizer. We respect his views and the views of the minority and the members of the opposition. As I say, even right now as we speak, we’re still debating on the measure…” – Sen. Joel Villanueva. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us