Tiniyak ng National Economic and Development Authority o NEDA na nananatili ang commitment ng administrasyong Marcos Jr. na panatilihin ang magandang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa para makahikayat pa ng maraming mamumuhunan.
Ito ang inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan kasunod ng kaniyang talumpati sa ikalawang Mindanao Economic Forum sa Davao City kahapon.
Sinabi ni Balisacan na maliban sa imprastraktura at pagpapatupad ng innovation, mahalaga rin ang ginagampanang papel ng Mindanao para matamo ang adhikaing ma-secure ang pagkain sa bansa.
Sinabi ni Balisacan na kayang saluhin ng Mindanao ang anumag kakapusan sa suplay ng pagkain sa Luzon at Visayas kaya’t dapat aniyang pakatutukan dito ang imprastraktura upang mapanatiliing mababa ang presyo ng mga produktong pagkain.
Kasunod niyan, binigyang diin din ni Balisacan na ito na rin ang panahon upang palakasin at palawakin pa ang innovation sa Mindanao lalo pa’t naabot na nito ang inaasam na pangmatagalang kapayapaan mula sa deka-dekadang sigalot at bakbakan. | ulat ni Jaymark Dagala