Bukas si House Deputy Minority Leader Bernadette Herrera na gamitin sa Pilipinas ang nuclear energy partikular ang pagtatayo ng small modular reactors.
Ayon sa mambabatas, nakadepende sa isasagawang feasibility study ang magiging pasya niya kung tuluyang susuportahan ang pagsusulong ng nuclear energy bilang dagdag o alternatibong energy source ng bansa.
Kailangan din aniyang aralin muna ang revisions sa Philippine Energy Plan upang ipakita ang kabuuan at pangmatagalang plano sa paggamit ng nuclear energy.
Kung matatandaan sa official visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa US ay nakipagpulong ito sa top nuclear energy firm sa US na NuScale Power Corporation.
Dito inihayag ng NuScale ang planong pag-aaral kung saan pinakamainam na magtayo ng small modular reactor.
Sakali man aniyang umusad ang pagtatayo ng mga SMR ay maiging i-deploy ito sa Mindoro, Bicol, Panay Island, Northern Mindanao, Northeastern Mindanao, at Western Mindanao na madalas makaranas ng power shortage.
Magkagayunman, dapat aniyang tiyakin na malayo ito sa fault line at daanan ng bagyo, at mga protected area o nature sanctuaries. | ulat ni Katheen Jean Forbes