Naiakyat na sa plenaryo ng Kamara ang panukala para sa modernisasyon ng Bureau of Immigration.
Ang House Bill 8203 o Immigration Modernization Bill ay kasama sa LEDAC priority measures ng Marcos Jr. administration.
Sa sponsorship speech ni House Committee on Justice Chairperson Juliet Ferrer, binigyang diin nito ang kahalagahan na imodernisa at palakasin ang BI lalo’t ang Philippine Immigration Act of 1940 pa rin ang ating ginagamit na hindi na angkop sa kasalukuyang “international developments.”
Tinukoy din ng mambabatas na sa kabila ng mababang sweldo, patuloy ang immigration officers sa paglaban sa human trafficking at illegal recruitment, at tinitiyak na hindi makakapasok ang mga terorista, sex offenders at iba pang illegal aliens sa bansa.
Oras na maging ganap na batas ang panukala ay maitataas na ang sweldo ng BI officers at personnel bukod pa sa bibigyan din ng insentibo.
Itatatag din ang Immigration Trust Fund, na gagamitin para sa modernisasyon at professionalism sa buong kagawaran; at pagbili ng mga bagong gamit at pasilidad.
Agad ding lumusot ang panukala sa ikalawang pagbasa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes