Lumagda ng isang Executive Order si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na layong tiyaking magagawang makipagsabayan ng Pilipinas sa international standards sa usapin ng labor relation.
Ito, ayon sa Pangulo, ang isa sa kaniyang regalo sa mga manggagawa ngayong Labor Day.
Sa isang panayam sa Pangulo bago makalapag ng Washington DC, ipinaliwanag nito na sa ilalim ng EO, inaatasan ang iba’t ibang departamento ng pamahalaan na magtulungan, at pag-usapan ang mga isyu na binuksan ng Internation Labor Organization.
Sa ganitong paraan, maaayos aniya ng gobyerno ang sistema kung saan mahina ang Pilipinas sa usapin ng paggawa.
Ayon kay Pangulong Marcos, sa oras na maisakatuparan o matugunan na ang mga issue na ito, mas magagawa pa ng Pilipinas na makipagsabayan sa international standards sa usapin ng labor relations.
“There are four issues that the ILO brought to the Philippines in terms of our labor relations, so iyon ang in-address natin with the EO. And I think, that will put us in alignment with the international standards when it comes to labor relations…So ‘yun ang inaddress na natin with the EO and I think that will put us in alignment to the international standards when it comes to labor relations,” pahayag ng Pangulong Marcos.
Ang EO na ito ay isa lamang sa mga regalo ng administrasyon ngayong Araw ng Paggawa.
Gumugulong ang job fair ng DOLE sa iba’t ibang lugar sa bansa, ngayong May 1, habang nasa ₱1.8-billion na halaga ng pondo ang ipamamahagi ng pamahalaan sa mga benepisyaryong manggagawa. | ulat ni Racquel Bayan