Lusot na sa Kamara de Representantes ang panukalang National Land Use Act o House Bill 8162 na kabilang sa priority legislation ng Marcos Jr. administration.
Nasa 262 na mambabatas ang pumabor, habang may tatlo na tumutol.
Nilalayon ng panukala na maglatag ng polisiya upang maprotektahan ang mga lupang sakahan, irrigated at irrigable lands, lupa para sa high-value crops, at iba pang lupang pang-agrikultura mula sa conversion na magreresulta sa problema sa kalikasan.
Isang National Land Use Commission ang itatatag sa ilalim ng Office of the President na siyang papalit sa National Land Use Committee.
Sisingilin ng idle land tax ang mga may-ari ng lupang sakahan na pinapabayaang nakatiwang-wang sa loob ng mahigit isang taon maliban na lamang kung mayroong katanggap-tanggap na dahilan.
Ang idle land tax ay katumbas ng 5% ng halaga ng lupa batay sa nakasaad sa real property tax declaration.
Ang mga masasangkot naman sa illegal land conversion ay parurusahan ng pito hanggang 12 taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa ₱100,000.
Nakasaad din sa panukala na maaaring parusahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga lokal na pamahalaan na mabibigong gawin at ipatupad ang kanilang Comprehensive Land Use Plans (CLUPs). | ulat ni Kathleen Jean Forbes