NegOr Rep. Teves, kinuwestyon ang umano’y utos sa Immigration na i-intercept siya oras na umuwi ng Pilipinas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinuwestyon ni Negros Oriental Representative Arnulfo Teves Jr. kung bakit may atas ang Bureau of Immigration (BI) na siya ay i-intercept oras na makauwi ng Pilipinas.

Sa isang recorded video na kaniyang pinost sa kaniyang social media page, sinabi ni Teves na may nakuha siyang impormasyon mula sa Immigration na oras na siya ay makauwi ng bansa ay harangin siya at ipagbigay alam ito sa mga otoridad.

Ipinagtataka din aniya niya na inilabas ang kautusan bago naghain ng kaso laban sa kaniya.

Dagdag pa nito, na kahit pa ipagpalagay na may kaso siya ay mananatili siyang inosente hangga’t hindi nahatulang guilty kaya’t hindi siya dapat hulihin o arestuhin.

Sa hiwalay na pahayag naman sinabi ng BI, na protocol na ito ng Immigration lalo na para sa mga sangkot sa high profile cases. Magkagayunman, wala anila silang karapatan na manghuli o mang-aresto.

May request din anila ang PNP Aviation Security Group, na pabilisin ang pagproseso ng arrival ni Teves sakaling umuwi ng Pilipinas dahil bibigyan siya ng security assistance. | ulat ni Kathleen Forbes