Nagkasundo ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na palakasin ang kampanya laban sa ilegal na sugal.
Kaugnay nito inanunsyo ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na ipatutupad ng PNP ang “One Strike, No Take Policy.”
Ayon sa PNP Chief, ang patakarang ito ay sisiguro na masusunod ang doktrina ng “Command Responsibility”.
Paliwanag ng PNP Chief, ang Regional Director, Provincial Director, City Director hanggang sa Local at Unit Commander ay maaring sampahan ng administratibong kaso kung sa loob ng isang buwan sa kanilang pag-upo ay hindi masasawata ang ilegal na sugal sa kanilang nasasakupan.
Kaugnay nito, minobilisa ng PNP ang kanilang mga Regional/Provincial/City Anti-Illegal Gambling Special Operations Task Groups para ipatupad ang “PNP Anti-Illegal Gambling Campaign Plan: Operation High Roller.”
Ayon sa PNP Chief, ang mga unit na ito ang responsable sa pangangalap ng intelihensya, pag-iimbestiga, at paglulunsad ng operasyon laban sa ilegal na sugal. | ulat ni Leo Sarne