Aabot sa 650 mga tindero ng Pritil Public Market sa Tondo, Maynila ang nabigyan ng ayuda sa pangunguna ng Office of the Vice President at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito’y matapos lamunin ng apoy ang naturang pamilihan noong April 28 kung saan, umabot pa sa ikaapat na alarma ang sunog at humigit kumulang siyam na oras ang binuno bago ganap na maapula.
Batay sa ulat ng Office of the Vice President, nakatanggap ng tig-₱3,000 ang bawat apektadong tindero sa palengke sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD.
Sa social media post naman ni Vice President Sara Duterte, nagpaabot ito ng pasasalamat sa DSWD dahil sa ipinaabot na tulong nito sa mga nasunugan.
Nabatid na napakalaking halaga ang naitalang pinsala ng nasabing sunog kung saan, naabo ang mga paninda habang nadamay pa ang ikalawang palapag ng katabing Barangay Hall. | ulat ni Jaymark Dagala