Binigyang diin ng Toll Regulatory Board (TRB) na mayroong sinusunod na criteria ang pagtatakda ng speed limit sa mga expressway, upang masiguro ang kaligtasan ng mga motoristang dumadaan dito.
Pahayag ito ni TRB Spokesperson Julius Corpuz sa gitna ng isinusulong sa Kongreso na iakyat sa 120kph ang speed limit para sa bus, habang 140kph naman para sa iba pang sasakyan na dumadaan sa expressway.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng opisyal na ang kasalukuyang speed limit sa mga expressway ay alinsunod sa criteria, design, at guidelines na itinakda ng DPWH, para sa kaligtasan ng mga motoristang dadaan sa mga kalsadang ito.
“Tinitingnan mabuti muna ng ating mga technical people ng DPWH, ng ating tanggapan kung ano talaga ang nararapat na speed. Bagama’t gusto nating mabigyan ng mabilis na paglalakbay ang ating motorista sa ating mga expressway ay kailangan din naman po nating bigyan ng malaking pagpapahalaga ang kanilang kaligtasan sa paggamit ng ating mga expressways din.” saad ni Corpuz.
Sila aniya sa TRB ay bukas sa mga suhestyong ito, ngunit kailangan na sumailalim muna ito sa masusing pagaaral.
“Kaya nga po kami’y buong pagsisikap na makapagbigay ng ating mga observations and comments during the deliberation of this bill at nang maisama po ang ating mga inputs diyan nang sa ganoon ay mabigyan natin ng—bagama’t mabilis subalit dapat ligtas na paglalakbay ang ating mga motorista.” pahayag ni Corpuz. | ulat ni Racquel Bayan