Sa kabila ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat dam ngayon ay naniniwala naman ang PAGASA Hydrometeorology Division na hindi ito aabot sa minimum operating level na 180 meters.
Sa isang panayam, sinabi ni PAGASA hydrologist Richard Orendain na wala pa silang nakikitang problema kung maaprubahan ang hirit ng Manila Water Sewerage System (MWSS) na magpatuloy ang dagdag alokasyon ng tubig sa dam para sa mga customer ng Maynilad at Manila Water hanggang Hunyo.
Paliwanag nito, batay sa kanilang assessment ay maaaring hanggang sa 183-184 meters lamang ang ibaba ng water elevation sa dam pagdating ng katapusan ng Hunyo.
Sinabi pa nitong pagtuntong ng tag-ulan ay magsisimula rin ang recovery period kung saan muling makakapag-ipon ng tubig ang water reservoir.
Isa naman sa binabantayan ng PAGASA hydrometeorology division na posibleng makaapekto sa water elevation ng dam ang nakaambang banta ng El Niño.
Kailangan aniyang umabot sa 212 meters pataas ang lebel ng tubig sa Angat dam sa katapusan ng taon para hindi magkaproblema sa suplay ng tubig sa 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa