Ipinauubaya na ni Senate Committee on Health Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go sa mga eksperto kung gagawin bang muli na mandatory ang pagsusuot ng face mask sa bansa sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Go, dapat pag-aralang mabuti ito ng mga eksperto.
Giit ng senador, dapat laging science-based ang pagtugon natin sa pandemya.
Pero kung sakali aniya ay hindi naman tutol ang mambabatas kung imamandatong muli ang pagsusuot ng face mask.
Aniya, mas protektado tayo kung nakasuot nito lalo’t hindi natin alam kung sino sa mga nakakasalamuha natin ang may dalang sakit.
Paalala pa ni Go, umiiral pa rin ang COVID-19 pandemic kaya dapat pa ring mag-ingat.
Binigyang diin ring muli ng senador na magpabakuna at magpaturok na ng booster shot kontra COVID-19 virus. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion