Umapela ang isang mambabatas sa pamunuan ng PNP na ayusin ang kanilang procurement process, partikular sa pagbili ng body cameras.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety, sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan na kung susumahin, ang 43,000 na backlog sa body camera ay aabutin ng 20 taon bago sila mabigyan lahat.
Batay sa timeline ng PNP, bibili sila ng 2,000 unit ng body cam sa susunod na taon.
Habang sa kasalukuyan ay mayroon 2,696 unit ng body cam ang PNP na binili noong 2021.
Paalala ng mambabatas na mahalaga ang body cameras hindi lang para sa mga hinuhuli ngunit maging sa mismong pulis.
Magsisilbi kasi itong ebidensya lalo na kung sila ay inaakusahan na may pagkakamali.
“Pag inisip natin, 20 years pa bago tayo ma-fill ang backlog. Napakaimportante ‘nyan ngayon especially, hindi lang para sa naging biktima, biktima rin ang pulis eh, ‘Pag kayo nakasuhan, inakusahan ng mali, kailangan proteksyunan ‘nyo rin sarili ‘nyo,” sabi ni Yamsuan.
Hiling din ng mambabatas na palakasin ang National Management and Monitoring Center, na nagsisilbing unified data hub ng body cam system. | ulat ni Kathleen Jean Forbes