Suportado ng ilang residente sa Pasay City ang panukalang batas ni Senador Robin Padilla na bitayin ang mga nahalal na opisyal ng gobyerno at law enforcer na masasangkot sa iligal na droga.
Sa 10 nakausap na residente at tindero ngayong araw lahat sila pabor sa nasabing panukala.
Aminado si Mang Nestor na nagtitinda ng taho na masama ang kumuha ng buhay pero aniya kung gusto mong humaba ang buhay dapat magpakatino ka.
Sinabi naman ni Ginoong Eric na dapat lang silang bitayin at isama na ang mga smuggler na salot ng lipunan.
Sa Senate Bill 2217 na inihain ni Senador Padilla, itatakta ang parusang kamatayan sa mga local at national elected official at mga law enforcer tulad ng pulis at sundalo at iba pa na sangkot at nakinabang sa iligal na droga.
Paliwanag ng senador, dapat bigyan ng mabigat na parusa ang mga pinagkatiwalaan ng publiko at gumawa ng karumaldumal na krimen. | ulat ni Don King Zarate