Iniakyat na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang batas na layong ideklara ang araw ng eleksyon bilang isang “regular non-working holiday.”
Aamyendahan ng House Bill 8187 ang Administrative Code of 1987.
Binibigyang kahulugan dito na national election ay “electoral activities” gaya ng plebesito, referenda, people’s initiative, recall elections, special elections, regional elections at iba pang proseso ng botohan na may “similar nature” at nasyonal ang sakop.
Sa sponsorship speech ni 4Ps PL Rep. JC Abalos, sinabi nitong “long overdue” na ang pagsasabatas sa panukala.
Umaasa din ang kinatawan na sa pamamagitan nito ay mas tataas ang voter turnout.
Punto nito na iba-iba ang sitwasyon ng pagboto ng bawat Pilipino.
May ilan aniya na malapit lang ang bahay sa voting precinct habang may iba na kailangan pang bumiyahe ng malayo o umuwi ng probinsya.
Batay rin aniya sa tradisyon ang araw ng halalan ay isa lamang “special non-working holiday”
Agad din pumasa sa second reading ang panukala. | ulat ni Kathleen Jean Forbes