Minamadali na ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagiging operational ng apat na karagdagang sites sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng dalawang bansa.
Ito, ayon kay Pentagon Press Secretary Brigadier General Pat Ryder, ay isa lamang sa mga natalakay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at US Defense Secretary Llyod Austin sa naging pulong sa Pentagon ngayong araw.
Aniya, kabilang sa diskusyon ng mga matataas na opisyal ng dalawang bansa ay ang plano para sa maayos at mabilis na pagpapagana sa EDCA sites, partikular iyong:
Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan;
Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Balabac Island sa Palawan.
Ang mga site na ito ay pagdarausan ng training activities ng kapwa militar ng US at Pilipinas.
Dito rin gagawin ang iba pang cooperative activities, tulad ng humanitarian assistance, at pagpapalakas ng disaster relief capabilities, upang matugunan ang mga hamong kinakaharap ng dalawang bansa sa linyang ito.
Kung matatandaan, una nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na hindi hahayaan ng Pilipinas na magamit ang mga EDCA site sa anomang offensive activity. | ulat ni Racquel Bayan