Pasado na sa Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Sa naging committee hearing, kabilang sa mga natanong sa kalihim ang mga proyekto at programa ng ahensya.
Kabilang sa mga binida ni Secretary Gatchalian ang streamlining at digitalization ng mga proseso ng pag-claim at pag-aapply para sa mga programa ng ahensya.
Ayon kay Gatchalian, mas madali na ngayon ang pamamahagi ng ayuda dahil tinanggal na ang ilang mga requirement.
Isinasaayos na rin ang digitalization ng kanilang mga programa, para hindi na kailangang pumila ang mga nangangailangan ng tulong mula sa DSWD.
Nakikipag-uganayan na rin aniya ang ahensya sa Philippine Statistics Authority (PSA) para matiyak ang pagiging lehitimo ng mga claimant ng benefits na inaalok ng DSWD.
Plano aniya ng ahensya na bigyan ang mga benepisyaryo ng digital card.
Aminado naman si Gatchalian, na malaking hamon sa kanyang pagtupad ng mandato sa DSWD ang malaki ring tiwala na binigay sa kanya ng mga mambabatas. | ulat ni Nimfa Asuncion