Kagyat na pinababayaran ng mga mambabatas sa DICT ang pagkakautang nito sa tatlong malalaking telecommunication company sa bansa.
Sa pagharap ng ahensya sa House Committee on Appropriations, tinukoy ni House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza ang problema sa free wifi project ng ahensya.
Aniya, dahil sa may pagkakautang pa ang DICT sa PLDT, Globe at Converge, wala nang gusto magpatuloy ng magbibigay ng bandwidth para sa free wifi.
Batay sa datos ng DICT mayroon pa silang ₱1 billion na utang sa PLDT habang kulang-kulang ₱500 million sa Globe.
Kaya naman apela ni Daza agad bayaran ang naturang mga utang sa kompanya.
“You have so much money, pay them. We already had this discussion last October the businesses are hurting, ang daming pera, you would be helping these large companies so they don’t retrench. You have the private sector and then now you can partly solve the issues on the implementation of free public wi-fi. Mabayaran mo yung PLDT, Globe o Converge,…your problem is not procurement now. Nobody wants to participate, ang daming utang.” apela ni Daza.
Ayon naman kay DICT Asec. Heherson Asiddao, sinisimulan na nilang bayaran ang documented payables.
Katunayan sa third quarter ng taon ay ilalabas na ng DBM ang ₱1.5 billion na pondo bilang kabayaran.
Pero hindi ito tinanggap ni Appropriations senior vice-chair Stella Quimbo, aniya mayroong ₱2.5 billion na cash ang ahensya na maarinG gamitin na pambayad.
“Third quarter? So maghihintay pa tayo ng 2 more months? Sec. Uy, that is unacceptable. You have ₱2.5 billion with you in cash today and you have huge payables which is one of the obstacles. As far as we are concerned, unacceptable po yun. You need to settle that today.” ani Quimbo
Ngunit tugon ni Asiddao na batay sa cash program ay sa 3rd quarter pa mailalabas ang pondo.
Nang hingan naman ng paglilinaw ang DBM, sinabi ni Chief, Budget and Management Specialist James Evangelista na maaari namang mapaaga ang paglalabas ng naturang pondo basta’t maka-comply ang DICT sa documentary requirements.
“So kung ang tanong po e pwede pong mabayaran yung mga utang para po dito, pwede naman po…under our common fund system po it can be used po to cover payment of both current year and prior years po for all the creditors po as long as ma-satisfy po yung mga mandatory requirements po ng agency.” saad ni Evangelista. | ulat ni Kathleen Jean Forbes