Naghain si Senador Raffy Tulfo ng panukalang batas na mag-oobliga sa mga operatiba na magsuot ng body-worn cameras sa special police operations at iba pang aktibidad para mas palakasin ang kalidad ng ebidensya sa anumang operasyon at siguraduhin ang transparency.
Sa ilalim ng Senate Bill 2199, ang pagsusuot ng body worn cameras ay imamandato sa law enforcement operations tulad ng paghahain ng warrants of arrest, pagpapatupad ng mga search warrant, pagpapatupad ng visitorial powers ng Chief Philippine National Police at mga unit commander, at operasyon kontra ilegal na droga.
Pinapanukala rin ni Tulfo na magkaroon ng minimum standard requirement ang mga body-worn camera.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng 720p o mas mataas na video resolution; built-in na frame rate, audio, petsa at time-stamping, at GPS; walong oras na tuloy-tuloy na buhay ng baterya; kakayahang mag-imbak ng walong oras na tuloy-tuloy na audio-video footage; at may built-in na night mode.
Sa ganitong paraan aniya ay mapipigilan ang mga pang-aabuso at iba pang posibleng human rights violation ng mga tiwaling pulis. | ulat ni Nimfa Asuncion