Nagbigay-pugay si Vice President Sara Duterte sa mga manggagawang Pilipino ngayong Labor Day.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni VP Sara ang sakripisyo ng masisipag, mahusay at masigasig na manggagawa na nagtatrabaho para sa pamilya at sa bansa.
Sinusuportahan aniya ng administrasyong Marcos ang kanilang karapatan bilang manggagawa, at isinusulong ang mas mabuting labor conditions sa pamamagitan ng training, upskilling at paghahanap ng paraan na mapabuti ang employability ng mga Pilipino.
Nakikiisa rin ang pangalawang pangulo sa pagtataguyod ng kultura, na nagpapahalaga sa mental health kasabay ng mas maayos na sweldo, ligtas na work spaces, gender-responsive policies at stratehiya na sumusuporta sa working students at single parents.
Dagdag pa ni VP Sara, sa susunod na limang taon ay sisikapin ng Department of Education na bumuo ng matibay na pundasyon ng kaalaman at kasanayan para maging handa sa hinaharap ang mga kabataang Pilipino, at makaakit ng dekalidad at disenteng trabaho.
Kinikilala ng gobyerno ang pangangailangan ng naturang mga trabaho na magpapalago sa isang indibidwal at pagsusulong ng “work culture” na sumasabay sa demand ng kompetisyon bilang global workforce. | ulat ni Hajji Kaamiño