Umarangkada na ang proseso ng pagpaparehistro sa Land Transportation Office (LTO) ng mga bagong motorsiklo na may makinang 200cc pababa, na mayroon nang tatlong taong bisa o validity.
Mahigit 1,000 motorsiklo na may engine displacement na 200cc pababa ang nairehistro sa Land Transportation Management System sa unang araw ng registration.
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, layon nito na makatulong ang ahensya upang mabawasan ang abala sa pagproseso at gastusin sa taunang pagpaparehistro.
Inanunsyo noong nakaraang buwan ang nasabing polisiya, at nakatanggap ito ng mga positibong komento mula sa mga motorista.
Kumbinsido ang LTO sa roadworthiness ng mga brand new motorcycle na may engine displacement na 200cc pababa, kaya makatwirang ipatupad na ang initial registration na may tatlong taong bisa.
Sa ilalim ng dating polisiya, ang mga brand new motorcycle lang na may engine displacement na 201cc pataas ang kuwalipikado para sa tatlong taong bisa ng initial registration. | ulat ni Rey Ferrer