Sinang-ayunan ni Senate Committee on Health Chairman Senador Christopher “Bong” Go ang hakbang ng ilang lokal na pamahalaan na magpatupad muli ng mandatory use ng face mask sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19.
Muling nanawagan si Go sa publiko na kung hindi naman sagabal ay dapat patuloy lang na magsuot ng face mask dahil delikado pa rin ang lahat sa virus.
Tiwala ang senador na pinag-aaralang mabuti ng mga lokal na pamahalaan at Department of Health (DOH) ang bawat polisiyang kanilang ipinatutupad at lahat ng hakbang na ginagawa ay ibinabatay sa siyensya.
Kasabay naman nito, pinatitiyak ni Go na sa pagtaas ng positivity rate ay dapat tiyakin na hindi naman tumataas ang hospital bed utilization rate.
Mahalaga aniyang hindi bumagsak ang healthcare system ng bansa kaya dapat kapag tumataas na ang mga kaso ng COVID-19 sa isang lugar ay gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask.
Una nang nagpatupad muli ng ‘mandatory use of face mask’ ang mga lungsod ng Maynila at Baguio bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID 19. | ulat ni Nimfa Asuncion