Dumagdag si dating Pangulo at ngayon ay Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa mga mambabatas na nagsusulong ng pagsasa-legal ng medical cannabis o marijuana.
Sa ilalim ng House Bill 7818 o Philippine Compassionate Medical Cannabis Bill, ibibigay ang kapangyarihan para i-regulate ang paggamit at pagbili ng medical cannabis sa Department of Health (DOH).
Ang kagawaran din ang magbibigay ng lisensya sa mga kuwalipikadong makikibahagi sa mga aktibidad, na may kaugnayan sa paggamit ng medical cannabis.
Punto ni Arroyo, mayroon nang mga pag-aaral na nagsasabi na ang cannabis ay nakatutulong upang ibsan ang epileptic seizures, at nararanasang sakit dulot ng multiple sclerosis at arthritis, at maging mga sintomas na may kaugnayan sa HIV-AIDS at kanser.
Maliban dito, ilang bans ana rin aniya ang mayroong medical cannabis law, kung saan malinaw na nakasaad kung sino-sino lang ang maaaring gumamit nito.
Halimbawa aniya ay ang Israel, Canada, the Netherlands at Czech Republic.
Naniniwala si SDS Arroyo, na maraming Pilipino na may iniindang malalang sakit ang makikinabang sa pagsasabatas ng panukala.
“While many patients may still opt for conventional and orthodox treatment, the intention of this bill is to invoke the right of the patient to choose treatment and the duty of the physician to honor the patient’s decision as well as to inform the patient of the side effects of such treatment,” ani Arroyo.
Sa kasalukuyan, limang panukala na ang inihain sa Kamara para itulak ang paggamit ng medical cannabis bilang alternative medical treatment. | ulat ni Kathleen Forbes