Muling pinagtibay ng 19th Congress ang panukala para i-institutionalize o isabatas ang “One Town, One Product” (OTOP) program.
Sa pamamagitan ng 268 affirmative votes, lumusot sa ikatlong pagbasa ang House Bill 1171 o OTOP na siyang stimulus package ng pamahalaan para sa promotion at pagpapaunlad ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs)
Taong 2014 pa ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang programa kung saan nagbibigay ng assistance sa mga MSMEs pagdating sa training, improvement ng kanilang produkto, packaging, at marketing, maging ang brand development.
Ilan sa mga halimbawa ng produkto at serbisyo sa kada lokalidad na target palakasin ay ang agricultural-based products gaya ng kape at cacao; agri-processed products tulad ng processed meats, at coconut oil; arts and crafts; home and fashion o creative artisanal products; processed food; at skills-based services tulad ng hilot, massage, sculpting, essential oils, at iba pang wellness products.
Bubuo naman ng isang OTOP Philippines Trustmark na siyang magiging simbolo o tanda ng ‘best products’ ng Pilipinas o maituturing na ‘excellent’ sa quality, design, value, at marketability.
Umaasa naman ang mga mambabatas na sa pagsasabatas nito ay matutulungan ang rural communities na mapaganda at mapalago pa ang kanilang local economy at maibangon ang MSME sector na pinadapa ng COVID-19 pandemic. | ulat ni Kathleen Jean Forbes