Inalmahan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pagsertipika ng palasyo bilang urgent bill sa panukalang Maharlika Investment Fund.
Para kay Hontiveros, masyadong baluktot at malabo ang mga dahilan sa pagsusulong na agad na maipasa ang naturang panukala.
Pinunto rin ng senadora na walang ‘surplus’ o sobrang pondo na mapagkukunan para sa sovereign wealth fund dahil paubos na ang kita ng Malampaya oil and gas fields at hindi pa rin naipapasa ang panukalang batas na magpapataas sana sa kita ng gobyerno mula sa mga minahan.
Ikinababahala ng mambabatas na dahil walang sobrang pondo, ang kumikitang pondo naman ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP) ang maipilit sa pagkakaroon ng Maharlika fund.
Malaking kawalan aniya ito kung sakali para sa mga magsasaka at maliliit na negosyong walang kakayahan na manghiram ng pera mula sa mga pribadong bangko.
Ipinunto pa ni Hontiveros na walang iba na mas urgent o mas dapat na madaliin ngayon ng gobyerno kundi ang pagprayoridad sa social services, agrikultura, transportation sector at ang energy sector. | ulat ni Nimfa Asuncion