Ipinagmalaki ng Department of Energy o DOE na nakatipid ang pamahalaan ng 20 million kilowatt-hour o katumbas ng 205 milyong piso sa ilalim ng Energy Management Program.
Ito’y ayon sa DOE ay para sa unang bahagi ng taong 2023 kung saan, tumaas din ang kamalayan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa kung paano sila makapagtitipid ng konsumo sa enerhiya.
Ang Government Energy Management Program ay nakasalig sa panuntunang itinakda ng Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee sa ilalim ng Republic Act 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation Act.
Layon nito na mabawasan ng 10 porsyento ang konsumo ng pamahalaan sa paggamit ng kuryente sa pamamagitan ng mga hakbang nito tulad ng sistematikong paggamit ng kuryente gayundin ang pagpatay ng mga hindi kinakailangang kagamitan.
Pinapurihan naman ni Energy Sec. Raphael Lotilla ang mga ahensya ng Pamahalaan na sumusunod sa mga hakbang upang makatipid ng kuryente na makatutulong din naman sa pangangalaga sa kalikasan. | ulat ni Jaymark Dagala