Isang panukala ang inihain ng ilang mambabatas para magtatag ng isang ‘eye care service program’ para sa mga matatanda.
Salig sa House Bill 7205 na iniakda nina Davao City Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS Rep. Edvic Yap, itatayo ang National Eye Service Program for the Elderly na patatakbuhin ng Department of Health (DOH).
₱50 million ang ipinapanukalang pondo para sa unang tatlong taon ng programa habang ang para sa mga susunod na taon ay ipapasok na sa taunang budget ng DOH.
Punto ng mga kongresista, habang tumatanda ay mas dumarami ang karamdamang iniinda ng mga lolo at lola at kasama na dito ang problema sa mata o paningin.
Ngunit dahil na rin anila sa mababang health literacy, nagkakaroon ng misconception o maling paniniwala pagdating sa mga karamdaman sa mata.
Tinukoy din sa panukala ang datos mula World Social Protection Report, na mula 2017 hanggang 2019, 39.8% lamang ng mga matatanda ang mayroong pensyon kaya marami ang hindi nakakatanggap ng pangunahing health services.
“It is high time that the government provides more comprehensive eye care services, integrate eye care within local health systems and confront common eye diseases that cause reversible and irreversible visual impairment, most especially the elderly,” saad sa panukala. | ulat ni Kathleen Jean Forbes