Nanumpa na ngayong araw bilang bagong Senior Deputy Speaker ng Kamara si Pampanga 3rd District Representative Aurelio ‘Dong’ Gonzales Jr.
Sa sesyon ngayong hapon, magkasabay na dumating sa plenaryo si House Speaker Martin Romualdez at Gonzales.
Magkasama rin ang dalawa na lumapit at nagmano kay Pampanga 2nd district Representative at Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Kung matatandaan noong nakaraang Miyerkules, May 17 ay nagpatupad ng rigodon sa liderato ng Kamara, kung saan nagpalit ng posisyon si Gonzales at Arroyo.
Bunsod umano ito ng planong coup laban kay Speaker Romualdez, bagay na mariing itinanggi ni Arroyo.
Maliban sa pamilya ni Gonzales, umakyat din sa rostrum para sumaksi sa kaniyang panunumpa si Arroyo.
Matapos naman ang panunumpa ni Gonzales ay nagkaroon ng pulong ang LAKAS-CMD at PDP-Laban congressmen, upang lumagda sa isang alyansa sa pagitan ng dalawang partido. | ulat ni Kathleen Forbes