Umapela si Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas sa pamahalaan ng sapat at tuloy-tuloy na ayuda sa mga biktima ng oil spill sa Mindoro Province.
Ginawa ni Brosas ang pahayag sa ginawang joint Investigation ng House Committee on Ecology and Natural Resources kaugnay sa oil spill.
Ayon kay Brosas, ang ayuda ay dapat pang matagalan dahil matagal din ang epekto sa kanila nang nangyaring pagtagas ng langis partikular sa mga mangingisda.
Diin ng mambabatas, dapat pwersahin ng gobyerno ang RDC Reild Marine Services Inc. na may ari ng MT Princess Empress, na maglabas ng “immediate compensation aid” sa mga fisherfolk.
Sa ngayon, base sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa 19,000 na mga residente ng Oriental Mindoro ang apektado habang 30,000 pamilya o mahigit na 137,000 na mga indibidwal ang mula sa 121 barangay sa MIMAROPA at Western Visayas ang apektado.
Aniya, habang epektibo ang fishing banned at hangga’t hindi nalilinis ang tumagas na langis, malaki ang epekto nito sa mahigit na 18 ,000 mga mangingisda na nagdurusa sa hindi sapat at delayed na ayuda.
Samantala, nananawagan din ang party-list solon sa gobyerno na isulong ang kaukulang parusa laban sa RDC at ang iba pang parusa laban sa charter ng barko. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes