Kinastigo ng mga senador ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa paniningil nila sa mga consumer para sa mga hindi pa tapos na proyekto.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, ibinahagi ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta, na sa 348 na aprubadong proyekto ng NGCP 72 ang delayed projects sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Kabilang na aniya dito ang anim na backbone projects, na mahalaga para sa interconnectivity ng tatlong pangunahing isla ng Pilipinas.
Sinabi ni Dimalanta, na pinahintulutan ang NGCP na mangolekta ng fee mula sa mga consumer kahit pa hindi pa kumpleto ang mga proyekto alinsunod na rin sa Interim Maximum Annual Revenue (iMAR).
Sinabi naman ni Department of Energy Undersecretary Sharon Garin, na tali ang kamay ng kanilang ahensya dahil sa concession agreement sa pagitan ng NGCP at National Transmission Commission (Transco) at ang congressional franchise ng korporasyon.
Maaari lang aniyang patawan ng P50 million na maximum fine ng ERC ang NGCP para sa kada paglabag nito.
Nagpaliwanag naman ang NGCP at sinabing may mga kinakaharap silang mga hamon sa pagkumpleto ng mga proyekto gaya ng mga isyu sa right of way.
Ikinadismaya naman ito ng mga senador.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, parang ginisa sa sariling mantika ang mga konsumer dahil sa pangongolekta sa delayed projects.
Giniit naman Energy Committee Chairperson Senador Raffy Tulfo, na dapat pinigilan ng ERC ang paniningil ng NGCP para sa mga unfinished projects nila.
Nag-sorry naman ang NGCP para sa mga delayed project. | ulat ni Nimfa Asuncion