Aprubado na ng House Committee on Welfare of Children ang panukala na layong pagandahin ang early childhood care and development system sa bansa.
Dalawang panukalang batas ang pinag-isa upang amyendahan ang Republic Act 10410 o ang kasalukuyang Early Years Act (EYA) of 2013.
Sa ilalim ng panukala ay itatatag ang National Child Development Centers.
Gagawin ring child development center ang mga kasalukuyang daycare center na nasa pangangasiwa ng mga lokal na pamahalaan.
Huhugutin naman ang pondo para sa pagpapatupad nito mula sa bahagi ng kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), Authority of the Freeport of Bataan (AFAB), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at iba pang operator, licensor at regulator.
Sa loob ng limang taon ay mag-aambagan ang naturang mga ahensya para makalikom ng P500 million pantustos kada taon.
Ayon kay BHW Party-list Representative. Angelica Natasha Co, Chair ng komite, hakbang ito para matiyak ang magandang kinabukasan ng mga batang Pilipino at maitaguyod ang kapakanan ng mga child development worker. | ulat ni Kathleen Forbes