Pormal nang nai-akyat sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ang House Bill 8218 o panukalang pagtatatag ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM).
Ang PhilATOM ay isang independent body na siyang magtatalaga ng mga regulasyon kasabay ng pagsusulong ng mapayapa, ligtas, at maayos na paggamit ng nuclear energy.
Nakapaloob sa panukalang ito ang palalatag ng isang komprehensibong “legal framework” para sa “radiation safety” at standards para sa maayos at ligtas na paggamit ng nuclear energy.
Sa sponsorship speech ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, patuloy ang paggulong at pagsulong ng kolektibong adhikain para sa malinis at murang kuryente sa Pilipinas gamit ang deka-dekada nang subok at maaasahang nuclear energy.
Maliban dito, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. aniya mismo ang nanawagan sa 19th Congress upang isakatuparan ang pagkakaroon ng nuclear energy sa energy mix upang matugunan ang patuloy na lumalaking energy requirement ng bansa.
Sa hiwalay na manifestation ay nagpahayag ng suporta si Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos sa panukala dahil aniya sa naniniwala siya na matutugunan nito ang kasalukuyang krisis ng bansa sa kuryente at dahil sa tiwala siya sa kakayanan at kaalaman ni Cojuangco patungkol sa nuclear energy. | ulat ni Kathleen Jean Forbes