Nagdaos ng pulong ang House Committee on Suffrage and Electoral Reform kasama ang Commission on Elections (COMELEC), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), at Commission on Filipinos Overseas (CFO) upang plantsahin ang House Bill 6770 o panukalang electronic o internet voting para sa mga OFW.
Ito’y matapos aprubahan ng COMELEC en banc ang pagpapahintulot ng internet voting para sa mga OFW sa 2025 mid-term elections.
Makaki naman ang pasasalamat ni OFW Party-list Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino, pangunahin nagsusulong ng panukala, sa hakbang ng COMELEC.
Aniya, pangunahing layunin ng electronic voting ay para matiyak na hindi ma-disenfranchise ang ating mga OFW lalo ang sea-based OFWs at mas mahimok sila na bumoto.
“Karaniwang problema ng ating mga OFWs ang pagrehistro, lalo na ang pagboto, kada eleksyon dahil sa mga limitasyon sa kanilang lugar ng trabaho o di kaya’y schedule ng trabaho. Ito’y mas malaking problema ng ating mga seafarers na nakadestino kapag eleksyon. Hindi din lahat ng mga foreign posts natin ay mayroong option magpadala ng boto via mail kaya’t ang iba’y kailangan bumyahe pa papunta sa consulate o embassy para bumoto,” saad ni Magsino.
Nakapaloob sa panukala na papayagan ang mga OFW, kasama ang Filipino seafarers, na magparehistro, makatanggap ng balota, at makaboto gamit ang electronic mail o email, web-based portal o iba pang internet-based technology na tutukuyin ng COMELEC. | ulat ni Kathleen Jean Forbes