Nakatakda nang talakayin sa plenaryo ng senado ang panukalang batas na layong palawigin ang deadline para sa estate tax amnesty.
Ito ay matapos ipresenta sa plenaryo ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalian ang Senate Bill 2219.
Sa ilalim ng panukala, layong amyendahan ang Republic Act 11213 o ang Tax Amnesty Law para maiurong ang deadline ng pagkuha ng estate tax amnesty sa June 14, 2025.
Una na kasing nakatakda ang deadline sa Hunyo ng taong ito.
Nakapaloob rin sa panukala na maisama sa mga coverage ng tax amnesty program ang mga ari-arian ng mga indibidwal na pumanaw bago ang December 31, 2021.
Itinatakda rin nito ang documentary requirements na dapat isumite sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at pagmamandato na magsumite ng proof of settlement ng ari-arian.
Pinahintulutan rin ng panukala ang electronic o manual filing ng estate tax amnesty returns at pagbabayad ng tax sa mga otorisadong bangko, revenue district officer, o tax software provider.
Papayagan na rin nito ang installment payment sa loob ng dalawang taon mula sa statutory date ng estate tax. | ulat ni Nimfa Asuncion