Sa botong 22 senador ang pabor, walang tulutol at walang nag-abstain, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas, na layong taasan ang cash allowance na ibinibigay sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng Senate Bill 1964 o ang ‘Kaakibat sa Pagtuturo” bill, unti-unting itataas ang teaching supplies allowance na ibibigay sa bawat guro mula sa kasalukuyang P5,000 lang hanggang maging P10,000 ito matapos ang tatlong taon.
Itatakda nito, na sa School Year 2023-2024 o sa susunod na school year ay itaas sa P7,500 ang teaching supplies allowance at itataas na ito sa P10,000 para sa school year 2024-2025.
Imamandato rin ng panukala, ang automatic adjustment nito kada tatlong taon para makaagapay sa pagbabago ng presyo ng teaching supplies, materials at iba pang gastusin sa pagtuturo.
Una nang sinabi ng sponsor ng panukala na si Senate Committee on Civil Service Chairperson Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., na kailangang isabatas ang allowance na ito ng mga guro para hindi na ito pwedeng basta tanggalin ng sinuman. | ulat ni Nimfa Asuncion