Nagpahayag ng suporta ang mga senador sa panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers para maitaguyod ang kapakanan at patuloy na pag-eempleyo ng mga Pinoy seafarer.
Sa sponsorship speech ni Senate Committee on Migrant Workers Chairperson Senador Raffy Tulfo para sa Senate Bill 216, ipinunto nitong mahalaga ang Magna Carta para ipaalam sa mga marino ang kanilang mga karapatan at tungkulin, itaguyod ang kanilang patuloy na pagtatrabaho sa mga dayuhang sasakyang pandagat at bigyan ng kapangyarihan ang mga ahensya ng gobyerno na tulungan sila.
Ito lalo na aniya’t sa nakalipas na mga panahon ay mas dumadami na ang shipping company na nag-eempleyo ng mga seaman mula sa bansang Vietnam, Myanmar, Africa at China.
Giniit ni Tulfo na ang Magna Carta ay isang garantiya sa international community na susunod ang Pilipinas sa mga panuntunan na itinatakda ng mga mahahalagang convention at pagmamandato rin sa pamahalaan na kumilos para tiyaking nakakasunod ang ating bansa sa mga international convention.
Sa ngayon, nasa 25 percent ng seafarer sa buong mundo ay mga Pilipino.
Malaki rin ang naitutulong nila sa ekonomiya ng Pilipinas kung saan base sa datos, nitong 2019 ay umabot sa 6.5 billion dollars ang nai-remit nila sa bansa, katumbas ng 1.7 percent ng gross domestic product (GDP) noong 2019. | ulat ni Nimfa Asuncion