Ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang ilan sa mga top agenda ng Senado sa huling isang buwan ng kanilang sesyon bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pagbabalik sesyon ng Senado ngayong araw, sinabi ni Zubiri na kabilang sa mga ipraprayoridad nila ay ang pagtalakay sa panukalang taasan ang sweldo ng mga manggagawa sa bansa, kabilang dito ang sariling panukala ni Zubiri na P150 across the board wage increase sa buong Pilipinas.
Kumpiyansa ang senate president na makakapasa ito sa Mataas na Kapulungan dahil suportado maging ng minoroty bloc ng senado.
Isa rin sa mga susubukang maipasa bago ang SONA ay ang Maharlika Investment Fund bill, na isa sa priority bills ng administrasyon.
Target aniya ng senado na matapos na ang debate tungkol sa Maharlika bill sa katapusan ng buwang ito at maratipikahan ang panukala sa unang linggo ng Hunyo.
Ilan pa sa priority bills ngayon ng senado ang amendments sa Build-Operate-Transfer (BOT) law, Medical Reserve Corps bill, panukalang Philippine Virology Institute, Internet Transactions bill at ang panukala sa pagsasaayos ng salt industry ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion